Oplan Balik—Eskwela pinaplantsa na

Ikinakasa na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang lahat ng security measures kaugnay ng inaasahang pagtaas ng insidente ng kriminalidad sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 5.

Ayon kay NCRPO chief Director Vidal Querol, naka-standby na ang limang district directors sa Metro Manila, lahat ng police stations at precincts, SWAT at maging barangay tanod at crime volunteers ay inatasang maghanda laban sa mga nagsasamantalang masasamang elemento na kadalasang biktima ay mga estudyante.

Mahigit 20 milyong estudyante sa elementarya at high school mula sa pribado at pampublikong paaralan ang inaasahang dadagsa sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay Department of Education (DepEd) officer-in-charge Fe Hidalgo, tumaas ng 2 milyon ang enrollment rate ngayong taon kung saan malaking bilang ay nasa Grade 1.

Dahil dito kaya ipatutupad ng DepEd ang shifting schedule ng mga klase upang hindi magkulang sa libro, classrooms at guro.

Ipinaliwanag ni Hidalgo na bagamat nakakuha na sila ng 10,000 guro na magsisimulang magturo ngayong school year 2006-2007 ay hindi pa rin ito sapat dahil sa ngayon ay mayroong 1:38 ratio ang teacher-student sa national level habang 1:50 ratio sa congested school.

Ipinaalala pa ni Hidalgo na ang Parent Teacher Association (PTA) sa bawat paaralan ang siyang maniningil sa mga voluntary contributions at hindi maaari ang mga guro lamang upang maiwasan ang isyung sapilitan ang pagbabayad. (Joy Cantos/Edwin Balasa)

Show comments