Ayon kina Philippine Confederation of Drivers and Operators-Alliance of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO) chairman Efren de Luna at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) chairman Mar Gavida, kung walang mangyayari sa kanilang apela ay posibleng magsagawa sila ng isang malawakang transport strike ngayong buwan.
Pinababasura ng grupo ang Oil Deregulation Law na siyang pinakasentro ng usapin dahil nagiging sanhi umano ito ng walang humpay na oil price hike, at ang pagtatanggal ng single ticketing system.
Nakatakdang magpulong ang PCDO-ACTO upang itakda kung anong araw nila gagawin ang tigil-pasada.
Samantala, nakikiusap naman si Garvida sa taumbayan na unawain sila sa gagawin nilang kilos protesta dahil sa kanya umanong nakikita ay ito na lang ang posibleng paraan upang mapakinggan ng gobyernong Arroyo ang karaingan ng sektor ng transportasyon.
Ang PISTON ay may miyembrong umaabot sa 4,000 nationwide habang ang PCDO-ACTO ay 350,000 miyembro.
Hindi naman sasama sa bantang tigil-pasada ang FEJODAP at ALTODAP dahil iba anila ang kanilang paninindigan sa usapin ng oil price increase.
Sa halip na ma-stranded ang libong mamamayan sa tigil-pasada, mas prayoridad nilang ituloy ang hirit sa taas sa pasahe na takdang isampa sa LTFRB.
Isusulong anila ng kanilang hanay ang P1.25 fare increase dahil ito lamang ang nakikita nilang solusyon upang maibsan ang epektong dulot sa kanila ng sunud-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo. (Edwin Balasa/Angie dela Cruz)