Ayon sa kampo ni Sen. Lapid, nakumbinsi umano nina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo ang senador na labanan si Binay.
Ang termino ni Lapid sa pagiging senador ay hanggang 2010 kaya sakaling matalo man ang mambabatas sa mayoralty race laban kay Binay ay makakabalik naman ito sa pagiging lawmaker sa Mataas na Kapulungan.
Naniniwala ang kampo ni Lapid na tatalunin nito si Binay sa kanilang paghaharap sa mayoralty race ng Makati City sa susunod na taon kahit hindi siya lehitimong residente nito.
Anila, ang tapat na paglilingkod sa mamamayan ng Makati ang kanyang puwedeng ialay at kahit hindi mataas ang kanyang natapos na pag-aaral ay subok naman siya sa paglilingkod sa taumbayan tulad ng maging gobernador siya sa lalawigan ng Pampanga sa loob ng 3 termino.
Itinanggi naman ni Alex Marcelino, media director ni Lapid, ang napaulat na pagtakbo umano ng mambabatas bilang mayor ng Makati sa susunod na eleksyon.
Aniya, tsismis lamang ang mga ito at wala namang pormal na usapang nagaganap sa pagitan ng mambabatas at ng mga Arroyo.
Pinayuhan naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. si Lapid na huwag "magpagamit" sa mag-asawang Arroyo para labanan si Binay sa darating na mayoralty race dahil isa itong "political suicide."
Sinabi ni Sen. Pimentel, kinukumbinsi ng mag-asawang Arroyo si Lapid na labanan si Binay upang mapigil nito ang mga anti-GMA rally sa lungsod dahil sa kilalang lider ng oposisyon ang nakaupong alkalde ng lungsod. (Rudy Andal)