DENR, Napocor, MWSS, binigyan ng LAGPAK award

Habang ang buong mundo’y nagdiriwang ng Earth Day ngayon ay tumanggap naman ng LAGPAK (Lapastangan at Gahasa sa Kalikasan) award ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Napocor, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at apat pang kompanya mula sa mga environmentalists dahil sa umano’y pagsira ng kapaligiran sa bansa.

Ayon kay Akbayan partylisty Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, nakakalungkot na sa kabila ng pagdiriwang ng Earth Day sa buong mundo ay marami pa ring mga pasaway na patuloy na hindi kumikilala sa kahalagahan ng pangangalaga ng kalikasan.

Unang-una na umano rito ang DENR sa pangunguna ni Sec. Angelo Reyes. Gayuman, sinabi ng konrgesista na hindi lamang dapat solohin ni Reyes ang pagtanggap ng LAGPAK award dahil puwede umano nila itong pagsaluhan ni dating DENR at ngayo’y Presidential Chief of Staff Mike Defensor.

Binigyan din ng LAGPAK award ang Napocor dahil responsable ang mga ito sa pinakamalaking oil spill sa kasaysayan ng Pilipinas nang kumalat ang mahigit 300,000 toneladang langis sa Semirara Island.

Bukod din sa LAGPAK Award ay inihanay pa sa Hall of Shame ang MWSS dahil sa walang patumanggang paghuhukay ng mga ito sa iba’t ibang kalsada na hindi natatapos at nagiging tambakan na lamang ng basura.

Sinabi ni Jasper Inventor ng Greenpeace Southeast Asia, bukod sa tatlong nabanggit, kasama rin sa binigyan ng LAGPAK award ang mga kumpanya ng Mirant, Monsanto at La Fayette.

Aniya, ang mga kompanyang ito ay patuloy na nagkakamal ng pera mula sa pagsasamantala sa kalikasan sa pamamagitan ng genetic pollution, fish kill, cyanide spills, toxic pollution at climate change. (Angie dela Cruz)

Show comments