"Please forgive the Church for what happened to you. We hope you can come to terms with the bishops now. We only did our duty," pahayag ni Bishop Antonio Tobias sa thanksgiving mass para sa ika-69 taong kaarawan ni Estrada na ginanap sa St. Peter Church sa Commonwealth Ave, Quezon City.
Agad namang umapela ang Malacañang sa publiko na huwag nang bigyan ng ibang kahulugan ang mga pahayag na ginawa ni Bishop Tobias. Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, ang tinuran ni Bishop Tobias ay personal niyang opinyon at ito ay nirerespeto ng Palasyo.
Matapos ang misa ay tumuloy si Erap sa Sandiganbayan upang muling humarap sa pagdinig ng kanyang plunder.
Inamin ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na niregaluhan niya ang anak ni Erap kay Laarni Enriquez ng P1.2 milyon noong Disyembre 1999. Ang halaga ay share umano ni Singson sa P13 milyong halaga ng diamond necklace na pinaghati-hatian nila nina Jaime Dichavez, Mark Jimenez at iba pang kalaro sa mahjong para iregalo kay Laarni.
Sinabi ni Estrada na ang tsekeng P1.2 milyon ay regalo sa kanilang anak na si Jacob na inaanak sa binyag ng gobernador. Ang P1 milyon anya ay napunta kay Jacob at ang P200,000 ay hinati sa dalawa pa nitong kapatid. (Malou Escudero)