Multi-purpose hall ni Jinggoy ‘inagaw’ ni Rep. Firmalo

Muntik nang magkasakit muli si Sen. Jinggoy Estrada matapos malaman ng kanyang tanggapan na inangkin ni Romblon Rep. Eduardo Firmalo ang ipinagawa niyang multi-purpose hall sa Bgy. Agnipa, Romblon, Romblon.

Nabatid na biglang nawala ang pangalan ni Sen. Estrada sa karatulang nakakabit sa ipinagawa niyang P2.6 milyong multi-purpose hall mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ayon kay Estrada, P2 milyon pa lamang ang naipapalabas na pondo sa nasabing proyekto mula sa kanyang PDAF at sina Romblon Mayor Leo Merida at municipal council sa pangunguna ni Vice-Mayor Nonito Mallen at Agnipa barangay chairman Orly Magano ang nag-request para dito at hindi si Rep. Firmalo.

Mayroon pang nalalabing P600,000 na pondo para sa proyekto na ipapalabas para malagyan ng bubong ang nasabing multi-purpose hall.

Aniya, nagulat din siya ng minsang magpasalamat sa kanya si Firmalo para daw sa paglalagay ng pondo para sa nasabing multi-purpose hall gayung hindi naman siya ang humiling nito.

Napag-alaman na ipinalagay umano ni Firmalo ang kanyang pangalan sa karatula sa multi-purpose hall bilang nagpagawa ng proyekto at ni hindi inilagay ang pangalan ni Estrada kung saan dito nagmula ang nasabing pondo. (Rudy Andal)

Show comments