Binasura rin ng spokesman ng Sigaw ng Bayan na si Atty. Raul Lambino, eksperto sa constitutional law, ang pahayag ng oposisyon na snap election ang tanging paraan para malunasan ang napakagulong politika sa kasalukuyan.
Ayon kay Lambino, ang 8.3 milyon na lagda ng mga botante ay nagpapatunay lamang na gusto na ng mamamayan ng pagbabago sa gobyerno at hindi ang pagbabago ng liderato.
Lalo pang pinalakas ang kampanyang ito ng Sigaw ng Bayan na gawing parliamentary ang gobyerno nang magpahayag ng kanilang buong suporta ang may 1,000 youth organizations, ang Philippine Councilors League na may 19,000 miyembro at 900-strong Provincial Board Members League of the Philippines (PBLMP).
Sa Davao City, nagpahayag na rin ng kanyang suporta si Mayor Rodrigo Duterte. Nauna nang nagpahayag ng suporta ang mga gobernador, mayor at ibat ibang NGOs sa Mindanao para sa pagbabago ng gobyerno.
Ang nakalap na 5.8 milyong lagda ay napakalaking sobra sa kailangang 12% ng total voting population na 43 milyon.
Gayunpaman, sinabi ng Cha-cha advocates na hindi pa rin sila titigil sa pangangalap ng pirma hanggang sa makuha ang target na 10 milyon hanggang 12 milyon, na magpapatunay na gusto na talaga ng taong bayan ng pagbabago sa gobyerno. (Angie dela Cruz)