Tumugon ang DAR sa alegasyon ng mga oppositionist senator na may P20-B ang "nilihis" ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) upang makuha ang suporta ng mga lokal na opisyales sa presidential bid ng Pangulo noong Mayo 2004.
Sa isang pahayag, nilinaw ng DAR na salungat sa sinabi ni Senate Presient Franklin Drilon, ang PARC executive committee ay may awtoridad na gumugol ng pondo mula sa kayamanan ng Marcos dahil itoy bahagi ng pondo sa repormang pansakahan.
Ang PARC taun-taon ay may alokasyon mula sa Agrarian Reform Fund (ARF) sa lahat ng CARP implementing agencies para sa mabilis at mabisang implementasyon ng kani-kanilang proyekto sa lahat ng bahagi ng bansa. Ang paglilipat ng pondo ay pinahihintulutan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) na nagtatadhana na ang gastusin o aproprasyon para maipatupad ang programa ay kinabibilangan ng mga tinanggap sa mga ari-ariang nabawi at sa mga benta sa mga ill-gotten wealth.
Binigyang-diin ng DAR na kung itoy illegal, ito ay illegal mula noong panahon ni dating Pangulong Aquino dahil ang nasabing resolusyon ay ginamit upang magpalabas ng pondo para sa CARP sa panahon ng administrasyon nina Ramos at Estrada. Idinagdag pa ng DAR na mula noon, walang order o resolution ang pinalabas na binago o inalis ito. (Angie dela Cruz)