Blackout na, taas-kuryente pa!

Nagbabala ang National Transmission Corp. (Transco) na hindi lamang malawakang blackout ang mararanasan sa Metro Manila kundi magtataas pa sila ng singil sa kuryente sakaling magdesisyon ang Supreme Court (SC) na i-shut down ang operasyon ng 230-kilovolt transmission sa Sucat-Araneta line.

Ayon kay Allan Ortiz, presidente ng Transco, malaking problema sakaling ipag-utos ng SC ang paglilipat sa naturang transmission line dahil ito ang pangunahing electric source sa katimugang bahagi ng kamaynilaan.

Maliban sa magiging kakulangan sa supply ng kuryente at ang pagsasara ng nabanggit na substation ay magdudulot ito ng pagtataas ng singil sa kuryente sanhi ng paggamit ng alternatibong paraan na diesel-pipelines na mas mahal.

Ipinaliwanag ni Ortiz na ang diesel-fired engines ang nakatakdang gamitin sakaling i-shut down ang mga nabanggit na transmission lines.

Dagdag pa nito na hindi lang mataas ang halaga ng diesel fire engines kundi may malaking epekto pa ito sa kapaligiran. "We will appeal to their wisdom, to their compassion, to their understanding na ‘yung desisyon na po na ‘yan ay hindi pa dapat o nararapat sa sitwasyon ngayon," saad ni Ortiz.

Dagdag pa nito, ang pagre-relocate ng nabanggit na transmission line ay magiging sanhi rin ng pagkaparalisado ng operasyon ng MRT, call centers at airports habang ang mga tatamaan umanong mga lugar kung sakali ay Parañaque, Makati, Pasay at Muntinlupa.

Ang usaping relokasyon ng transmission line ay bunsod ng petisyon na ipatigil ang pagdaan ng naturang kuryente sa Dasmariñas Village sa Makati dahil masama umano ang radiation na dala nito.

Inaantay na lamang ang final at executory ruling ng SC sa naturang usapin.

Show comments