Si Brawner ang pumalit sa kontrobersyal na si dating Comelec komisyuner Virgilio Garcilliano habang si Buenaflor naman ay kahalili ni Jose Erestain na nagretiro na.
Sa kanyang pagharap sa CA, pinayuhan ni Brawner ang mga nagpapanukala sa Peoples Initiative partikular na ang DILG na mababalewala ng Comelec ang kanilang petisyon dahil mayroon nang naunang desisyon hinggil dito ang Korte Suprema.
Ayon kay Brawner, dapat na idulog na lang nila sa Korte ang kanilang petisyon dahil kung ang tatanungin ay ang Comelec, wala silang magagawa kung hindi sundin ang desisyon ng Korte.
Ang pahayag ni Brawner ay salungat naman sa pananaw ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na hindi pinagbabawalan ng Korte Suprema ang kanilang tanggapan na magsagawa ng paunang hakbang sa peoples initiative campaign.
Samantala, hiniling naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. sa Ombudsman na dapat sampahan na ng kaso ang mga Comelec officials na dawit sa P1.3 B computerization deal na nauna ng binalewala ng SC
Aniya, ito ang tamang panahon para mapatunayan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na hindi nila tinutulugan ang kaso at wala silang kinikilingan. (Rudy Andal)