Umaabot na sa 4.5 milyon ang nakakalap na pirma sa inilunsad na kampanya ng Sigaw ng Bayan, isang coalition ng may 100 peoples organizations na naghahangad ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng isang peoples initiative.
Ayon kay Pangulong Arroyo, dapat pakinggan ng oposisyon ang naghuhumiyaw na sigaw ng taumbayan na panahon na ang pagbabago sa sistema ng pamahalaan. Dapat na rin anyang tigilan ng mga tumututol sa pagbabago ang pang-iintriga sa pulitika para lamang siraan ang peoples initiative na itinatakda naman ng ating Saligang Batas bilang isa sa tatlong pamamaraan upang mabago ang Konstitusyon.
Umaasa naman ang tagapagsalita ng Sigaw ng Bayan na si Atty. Raul Lambino na mahihigitan nito ang hinihinging 5-M lagda ng Konstitusyon.
Tahasan ding hinamon ni Lambino ang mga senador na bumabanat sa peoples initiative sa debate sa legalidad ng signature campaign, subalit pinuri rin niya si ex-President Ramos sa pagsuporta nito sa peoples initiative.
Ang kampanya sa pangangalap ng lagda ay nagsimula noong Sabado at ang bilang ay nagsimulang lumobo kamakalawa ng gabi batay sa resulta mula sa Visayas at Mindanao.
Naniniwala ang mga pribadong samahan ng mamamayan na mahihigitan ng kampanya ang hinihinging bilang ng Konstitusyon para masimulan ang Charter Change.
Ayon pa kay Lambino, ang minimum na bilang ng pirma na required ng Konstitusyon ay 5.6 milyon lamang at batay sa pumapasok na resulta, ito ay malamang mahigitan pa.