Base sa laboratory examination report na ipinalabas ng Banknotes and Securities Printing Department ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang passport ni Garcillano na may No. JJ243816 ay mas maliit sa standard size ng passport.
Ang papel at print sa inside front cover at inside back cover ay hindi rin naaayon sa standard at may "cuts" at "joints" sa seam ng pages 1 at 32.
Ayon kay Cavite Rep. Gilbert Remulla, dating chairman ng House committee on public information, maliwanag na peke ang pasaporte ni Garcillano at posibleng sampahan ito ng kasong perjury at falsification of public documents.
Nauna rito, hiniling ng limang komite sa BSP na suriin kung peke ang mga pasaporte ni Garcillano matapos mapaulat na nagtago ito sa ibang bansa, pero "malinis" na passport ang iprinisinta nito sa limang komite.
Ang BSP ang manufacturer ng mga passport booklets na idini-deliver sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa examination report, ang lumang pasaporte na inisyu at isinumite ni Garcillano ay sumusunod sa standard form ng pasaporte habang ang ikalawang pasaporte ay hindi.
Napansin din sa ikalawang passport ni Garcillano na BISA ang nakatatak sa halip na VISA at ang kalidad ng text print na "sakaling maaksidente o mamatay" ay hindi rin kumporme sa standard.
Sa kabila ng naturang report ng BSP, ayaw naman sabihin o i-conclude ng mga chairmen na peke nga ang naturang pasaporte.
Ipapaubaya na lamang sa komite na nag-iimbestiga at sa plenaryo kung gagamitin itong basehan para magrekomenda kung anong aksyon ang gagawin kabilang na ang pagsampa ng kaso laban kay Garcillano sa Department of Justice. (Malou Escudero)