P10-M sa Umale killers alok ng pamilya

Sinabi kahapon ng misis ng pinaslang na negosyante sa Pasig na handang magbigay ang kanilang pamilya ng halagang P10 milyon para sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng mga suspek sa pagpatay sa kanyang mister na si Leonardo Umale.

Kahapon ay muling idiniin ni Vicky Umale si Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson na may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang asawa dahil ang gobernador lamang umano ang may pinakamalaking dahilan upang ipapatay ang biktima dahil sa pagkatalo ng gobernador sa korte sa isang kaso hinggil sa awayan se negosyo sa biktima.

"He (Chavit) cannot accept defeat, he cannot swallow the fact that someone is defeating him," pahayag ni Vicky sa isang panayam sa kanyang tahahan sa Valle Verde Phase III sa Pasig City.

Subalit ayaw namang palawakin pa ng biyuda kung anong negosyo ang pinag-ugatan ng nasabing away na nauwi sa patayan.

Tinawag din ni Vicky si Singson na pinaka-nakakatakot na tao sa Pilipinas.

"Chavit is the most feared man in the country. This is all about money, grieve and power," pahayag ni Vicky.

Samantala inabswelto rin ni Mrs. Umale si Rizal Gov. Casimiro Ynares sa listahan ng mga posibleng magpapatay sa kanyang asawa dahil kung ikukumpara ang kaso noong nakaraang taon hinggil sa awayan sa parking lot ay napakaliit na bagay umano niyon para umabot sa patayan at dagdag pa ni Mrs. Umale na kilala nila ang pamilya Ynares at hindi kayang magpapatay ng mga ito.

Hanggang kahapon ay nananatiling blangko ang pulisya kung sino ang pumatay kay Umale na pinagbabaril ng apat na armadong kalalakihan dakong alas-11:45 ng umaga noong Huwebes habang papasok ito sa kanyang pagmamay-aring building sa Pearl Plaza Building sa Ortigas Center, Pasig. (Edwin Balasa)

Show comments