Prof. Randy David, 62 ralista inaresto

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) si Prof. Randy David at 62 pang ralista kaugnay sa naganap na kilos-protesta kasabay ng paggunita ng People Power 1 sa EDSA kahapon.

Dinampot ng mga tauhan ni QCPD Director Gen. Nicasio Radovan Jr. si David kasama sina Atty. Argee Guevarra at Akbayan president Ronald Llamas na agad dinala sa Kampo Karingal dahil umano sa paglabag sa Proclamation 1017 o State of Emergency.

Kasabay nito, kinasuhan na rin ng inciting to sedition at illegal assembly sina David, Guevarra, Llamas, habang inciting to sedition naman laban kina Marioquito Canonigo na lider ng Be Not Afraid Movement at Josephine Ayugto-Jurada ng Aktib Movement. Ang mga piskal na lamang ng Quezon City Prosecutor’s Office ang nagtungo sa QCPD-CID.

Ayon kay David, wala naman umano silang gagawing anumang aksiyon laban sa pamahalaan maliban sa paglahok sa pagdiriwang ng EDSA 1.

Bunga nito, kinukuwestiyon ng grupo ang legalidad ng direktiba na idineklara ni Pangulong Arroyo kahapon. Itinanggi rin ni David na nagsimula umano sa mga raliyista ang mga batuhan o gulo.

Maliban sa grupo ni David, dinala rin sa naturang kampo ang umaabot sa 60 pang mga raliyista habang ang iba ay dinala sa pagamutan matapos na masugatan sa isinagawang dispersal ng mga awtoridad.

Nabatid na ni-revoke ang lahat ng rally permit makaraang ipagbawal ng Malacañang ang lahat ng uri ng kilos-protesta ngayong araw na isasabay sana sa paggunita ng People Power 1.

Kinuwestiyon naman ni Guevarra ang ginawang pagtrato sa kanila ng mga tauhan ni Radovan.

Aniya, maliwanag na isang paglabag sa kanilang karapatang-pantao ang ginawa ng mga pulis at ito umano ay isang illegal na pag-aresto sa mga raliyista na nais lamang na makipagdiwang sa kalayaan ng bansa na nakamit noong 1986 laban sa rehimeng Marcos.

Hanggang sa ngayon ay wala pang malinaw kung ano ang kanilang kahihinatnan bagamat sinabihan sila na isasailalim sila sa masusing imbestigasyon.

Posible rin umanong tumagal sila ng ilang araw sa loob ng Kampo Karingal hangga’t hindi natatapos ang pagdiriwang ng EDSA. (Doris Franche)

Show comments