Gringo kinasuhan ng kudeta

Sa gitna ng deklarasyon ng state of emergency ay isinulong ng Department of Justice (DOJ) ang kasong kudeta laban kay dating Senador Gregorio "Gringo" Honasan.

Sa ipinalabas na 43-pahinang resolution ng DOJ, ipinaliwanag ng prosecution sa pamumuno ni Senior State Prosecutor Leo Dacera na malinaw sa mga naging pahayag ng mga Magdalo soldiers na si Honasan ang tinutukoy nilang "kuya."

Bukod kay Honasan ay kasama ring sinampahan ng nabanggit na kaso sina ret. Capt. Felix Turingan, George Duldulao, Col. Virgilio Briones, ret. Col. Romeo Lazo, Lina Reyes at iba pang di kilalang akusado.

Sinabi pa ni Decera na iisa ang ebidensiyang pinagbatayan ng DOJ sa mga kaso ng mga Magdalo at ni Honasan. Nilinaw naman ni Dacera na walang halong pulitika ang pagpapalabas nila ng resolution laban kina Honasan na una nang sumubok na pabagsakin ang Arroyo government.

Aniya, tumagal lamang ang pagpapalabas ng resolution sa kaso ni Honasan dahil umapela pa ito sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang hurisdiksyon ng DOJ sa kanyang kaso.

Walang inirekomendang piyansa ang prosecution kina Honasan.

Ang kaso ay nag-ugat makaraang lumutang ang pangalan ni Honasan na isa sa mga utak sa nakaraang Oakwood Mutiny noong July 27, 2003 para pabagsakin ang Arroyo government. (Grace dela Cruz)

Show comments