Cardinal Vidal magpapakulong para kay Erap

Inialok kahapon ni Cebu Archbishop Ricardo Vidal ang kanyang sarili na maging guarantor ni dating Pangulong Joseph Estrada kapag pumayag ang Sandiganbayan na makapag-piyansa ito at siya ang papalit sa kulungan sakaling tumakas si Erap.

Ang pahayag ay ginawa ni Cardinal Vidal matapos ang sorpresang pagdalaw kay Erap sa detention nito sa Tanay, Rizal upang alamin ang kalagayan ng kalusugan nito at papurihan sa inilunsad nitong Rebolusyon Kontra Gutom, bilang tulong sa mahihirap.

Sinuportahan ng Cardinal ang inisyatibo ng Malacañang na palayain na si dating Estrada. Ang "temporary freedom" ay inalok ni Presidential Mike Defensor, subalit tinanggihan ng dating pangulo.

Labis namang ikinasiya ni Erap ang suporta ni Vidal sa matagal na niyang inaasam na kalayaan at pinasalamatan ang Cardinal sa alok nitong maging guarantor niya, kasabay ng pagtiyak dito na may batayan ang kanyang petisyon na makapag-piyansa dahil mahina naman ang mga ebidensiyang iniharap ng 76 testigo ng prosekusyon laban sa kanya.

Binasbasan ng Cardinal si Erap matapos ang may dalawang oras nilang pagkikita. (Lilia Tolentino)

Show comments