‘Rebolusyon Kontra Gutom’ ni Erap

Inilunsad kahapon ni dating Pangulong Joseph Estrada ang programa niyang "Rebolusyon Kontra Gutom" sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay sa kanyang resthouse sa Tanay, Rizal bilang tulong sa mga magsasaka sa lumalalang kahirapan at napipintong taggutom sa bansa.

Pinangunahan ni Estrada ang pamimigay ng iba’t ibang buto ng gulay sa mga magsasaka ng Tanay kasama si Susan Roces.

Maliban sa pagtatanim, mayroon ding programang pag-aalaga ng baboy si Erap kung saan ang mga napiling mahihirap na pamilya sa kalapit na barangay ay bibigyan ng biik sa kondisyong sa sandaling mag-anak na ang baboy, isang biik ang ibabalik kay Estrada na ipamamahagi ulit sa iba pang pamilyang hindi nakakatanggap ng biik.

Pinuri naman ni Pangulong Arroyo ang ginawa ni Estrada na isa anyang magandang tanda ng pakikipagtulungan ng oposisyon sa administrasyon para maisulong ang kapakanan ng mahihirap na mamamayan. (Lilia Tolentino/Edwin Balasa)

Show comments