Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Pangulong Arroyo na ang mas nakalulungkot sa naganap na trahedya ay naghahanap pa ng mapagbibintangan o masisisi ang mga taong responsable sa programang Wowowee na sa halip na akuin ang responsibilidad, "iyong mga sponsor ng palabas ay ibinabato pa ang sisi sa mga biktima dahil mahirap sila."
Ayon pa sa Pangulo, walang sinumang sasantuhin sa paghahanap ng katarungan sa mga naging bikitma ng trahedya at kung sino ang may sala ay dapat managot.
Inaasahang mailalabas sa darating na Peb. 20, 2006 ang resulta ng imbestigasyon makaraang magbigay ng 10 araw na deadline sa bagong investigating panel ang Department of Justice.
Una nang tiniyak ni ABS-CBN president Eugenio "Gabby" Lopez III na handa niyang panagutan ang naging pagkukulang ng pinamumunuan niyang network sa naganap na stampede sa Ultra at walang mangyayaring "whitewash" sa kaso.
Sa isinagawang final investigation report ng DILG fact-finding Task Force Ultra, lumilitaw na nagpabaya ang mga organizer ng Wowowee at natrato umanong "parang hayop" ang libo-libong pumila.
Apat na opisyal ng programa ang posible umanong maharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide na pinaniniwalaang sina Malou Almaden, production manager; Rene Luspo, chief security; Mel Feliciano, floor director at Rey Cayabyab, location manager.