Ayon kay Piston spokesperson George San Mateo, kung gagawing linggu-linggo ng mga kompanya ng langis ang pagtataas ng presyo ng kanilang produktong petrolyo ay ipaparalisahin nila ang transportasyon umpisa ng Marso.
Ang reaksiyon ng Piston ay matapos ang katatapos na oil price hike at LPG hike kung saan 50 sentimos ang idinagdag sa presyo ng diesel, gasolina at kerosene habang P5.50 naman sa bawat tangke ng LPG.
"Naniniwala kami na ang tanging nalalabing solusyon lamang para sa mahihirap na driver ay ang magsagawa at lumahok sa malawakang kilos protesta upang matigil na ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo," sabi ni San Mateo.
Ipinahayag din ni San Mateo ang pakikiisa ng libu-libong taga-suporta ng Piston sa gagawing kilos-protesta sa ibat ibang bahagi ng bansa sa darating na Pebrero 24 upang muling igiit ang pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo. (Edwin Balasa)