Ayon kay Anti-Drugs Special Operation Task Force (AIDSOTF) chief Gen. Marcelo Ele, karamihan sa 312 naarestong drug pushers at users ay Pasig employees, menor-de-edad at kababaihan kung saan 80% sa mga ito ang positibo sa paggamit ng droga matapos silang ipa-drug test.
Tatlong pulis din ang itinuturong protektor ng "palengke ng shabu" matapos ang isinagawang tactical interrogation sa naarestong mga suspek. Hindi muna binanggit ang mga pangalan ng pulis. Nakatakda silang imbitahan ng AIDSOTF ngayong araw upang ipaliwanag kung bakit sila ang inginunguso ng mga naarestong suspek habang nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na positibo sa drug test.
Matatandaang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng AIDSOTF at Special Action Force (SAF) ang tinaguriang "shabu talipapa" sa Mapayapa compound na matatagpuan sa kahabaan ng F. Soriano st., Bgy. Sto. Tomas noong Biyernes kung saan 40 barung-barong ang pinasok ng mga pulis.
Halos tatlong taon na umano nag-ooperate ang naturang tiyangge ng droga.
Dahil sa nasabing raid ay umaabot na sa 19 pulis ang sinibak sa kanilang tungkulin na kinabibilangan ni Police Community Precinct (PCP) 20 Commander Sr. Insp. Salvador dela Cruz, 6 tauhan nito, 6 miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Pasig police headquarters at 6 tauhan pa ng Eastern Police District (EPD) anti-illegal drugs unit.
Kamakalawa ay inutos ni Pangulong Arroyo sa PNP na pasukin ang mga hinihinalang pugad ng mga droga sa buong bansa partikular ang mga squatters area.
Binalaan din ng Pangulo ang mga pulitiko at PNP officials na nagkakanlong sa mga taong sangkot sa droga dahil mabigat na kaparusahan ang naghihintay sa kanila.
Tiniyak naman ng Pangulo na ang mga batang biktima sa drug trade ay ilalagay sa rehabilitasyon. (May ulat ni Ellen Fernando)