Sa ginanap na press conference kagabi, sinabi ni Rene Luspo, chief security ng nasabing network, umaabot sa 100 ang security mula sa kanila bukod pa sa seguridad na inilaan ng kapulisan at mga barangay na umabot sa 210.
Ipinaliwanag nito na nakapaligid ang lahat ng mga security bilang paghahanda sa anumang hindi inaasahang insidente. Aniya, hindi lamang napigilan ng mga tao na magkaroon ng siksikan at tulakan nang magsimula nang magpapasok sa loob ng Ultra.
Ayaw naman nitong magbigay ng komento na hindi naging disiplinado ang mga tao na nagbunsod ng trahedya bagamat lumilitaw na dalawang beses nagkaroon ng tulakan dito.
Kasabay nito, sinabi naman ni Charo Santos-Concio, executive vice president ng entertainment group na ibibigay lahat ng management ng ABS-CBN ang full funeral service at medical expenses, mass wake na gagawin sa Camp Karingal at maging ang pagbibigay ng pamasahe sa mga nanggaling pa ng probinsiya. Nanawagan din ang Bantay Bata 163 ni Tina Monson-Palma na maaaring magtungo sa kanilang tanggapan ang sinumang kamag-anak ng nawawala dahil kumpleto ang kanilang listahan. (Doris Franche)