Inireklamo ng anak ng namatay na kliyenteng si Potenciano Ilusorio, isang negosyante, si Atty. Luis Lokin dahil sa pagiging legal counsel ng kampong humahadlang sa compromise agreement ng una sa Presidential Commission on Good Goverment (PCGG) tungkol sa sosyo sa Philippine Overseas Telecommunications Corporation (POTC).
Ayon kay Erlinda Bildner, anak ng yumaong si Ilusorio, kahihiyan si Lokin sa propesyon ng abugasya.
Sinabi pa sa reklamo, si Lokin bilang abugado ni Ilusorio ang tumulong sa pagbuo ng nasabing compromise agreement na tinutulan naman ng grupo ni Manuel Nieto.
Nakamatayan ni Ilusorio ang kaso kaya itinuloy ito ng kanyang anak hanggang sa ibasura ng IBP board of governors ang reklamo ni Ilusorio ngunit kinatigan naman ito ng Korte Suprema noong December 14, 2005 hanggang sa suspindihin si Lokin ng 3 buwan.
Nagsampa ng mosyon si Bildner sa SC upang hingin ang mas mabigat na parusa para kay Lokin dahil hindi sapat ang naging kaparusahan nito bilang bindikasyon sa pamilya Ilusorio at ang hinihiling nila ay disbarment.
May isa pang disbarment case si Lokin sa IBP na isinampa naman ni Marietta Ilusorio.