Tulong sa mga taga-riles tuloy pa rin – VP Noli

Tuluy-tuloy ang pagtulong ng gobyerno sa mga dating taga-riles kahit nakumpleto na noong Disyembre ang relokasyon ng mga nakatira sa unang bahagi ng Northrail mula Kalookan hanggang Malolos, Bulacan.

Si De Castro, na siyang namuno sa relokasyon bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), ay muling bumisita sa Northville 2 para pasinayaan ang bagong tayong kapilya ng Miraculous Risen Lord at basketball court sa komunidad.

Ang mga naturang proyekto ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na mabigyan ng kinakailangang pasilidad ang lahat ng Northville communities sa tulong ng iba’t ibang sektor.

Ang kapilya ay naipatayo nina Bobby Alvarez ng Miraculous Risen Christ Foundation at ni Nesty Joaquin ng OEG Construction Supply na siyang nag-ambag ng materyales sa konstruksyon. Mga tauhan ng AFP 51st Engineering Brigade ang nagtayo mismo ng kapilya, at si Congressman Bobbit Carlos ay magbibigay ng mga bentilador at muwebles para dito.

Habang ang basketball court naman ay ipinatayo ni Delfin Lee ng Globe Asiatique, isang pribadong developer at nagbigay ng mga palaruan para sa children’s playground si Vice Mayor Tony Espiritu.

Pinaalalahanan ng Bise Presidente ang mga taga-Northville 2 na pag-ingatan at pagandahin ang mga pasilidad upang ipakita ang pagpapahalaga sa naitulong ng mga nasabing indibidwal at grupo.

Ipinangako rin ni Kabayan ang patuloy na pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at iba pang sektor para maipatayo ang iba pang kinakailangang pasilidad gaya ng day care center, PNP outpost at botika ng bayan.

Show comments