Hindi na umabot pa ng buhay sa Valenzuela General Hospital sanhi ng mga tama ng saksak sa ibat ibang parte ng katawan si Leo Julias, residente ng de Gula compound, Brgy. Gen. T. de Leon, nasabing lungsod.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspect na kinilala lamang sa mga pangalang Jonathan Paclibar; Oscar at isang William Kulot.
Batay sa ulat ng Station Investigation Bureau ng Valenzuela City Police, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Azicate Homes, Riverside, Gen. T. de Leon, Valenzuela City.
Nabatid na bago naganap ang krimen ay inutusan umano ng biktima ang tatlong suspect na umiskor ng shabu sa Libis, Caloocan upang pagsaluhan ng mga ito habang nanonood ng boksing nina Pacquiao at Morales.
Habang naku-concentrate umano sa panonood ng boksing ang mga suspect ay nilamangan sila ng biktima sa paghitit ng shabu sanhi upang magalit ang mga ito sa huli.
Dahil dito ay nagkaroon ng argumento sa pagitan ng biktima at ng mga suspect na naging dahilan upang halos sabay-sabay na bumunot ng patalim ang mga huli at inundayan ng saksak sa ibat ibang parte ng katawan ang biktima.
Sa pag-aakalang patay na ang duguang biktima ay agad na itinapon ito ng mga suspect sa isang ilog sa nabanggit na lugar.
Nadiskubre lamang ang krimen makalipas ang ilang minuto nang makita ng isang Richard Valdez ang biktima na lulutang-lutang sa ilog na agad niyang dinala sa nabanggit na pagamutan subalit minalas na hindi na ito umabot pa ng buhay. (Rose L. Tamayo)