Ayon kay Chief Supt. Leopoldo Bataoil, PNP spokesman, walang dapat ikabahala sa seguridad ni Alih habang nakapiit sa Camp Crame makaraang ipadeport ito ng Malaysian government pagkaraan ng 14 taong pagkakakulong sa kasong illegal posession of firearms and ammunitions at pagiging illegal alien.
Wika pa ng PNP spokesman, handa ang pulisya na eskortan si Alih patungong Zamboanga City upang harapin ang kanyang multiple murder dahil sa pagsalakay nito sa Camp Kawa-kawa noong Enero 19, 1989 kung saan ay nasawi sina Gen. Eduardo Batalla, Col. Romeo Abendan, Pat. Edriz Mocsan at Cpl. Uzman Amin at iba pa.
Ipinauubaya naman ng PNP ang desisyon sa Department of Justice (DOJ) kung dapat ilipat ng hurisdiksyon si Alih sa Zamboanga City.
Tiniyak naman ng DOJ na handa ang prosecution kaugnay sa paglilitis ni Alih sa madugong pagsalakay nito sa isang kampo sa Zamboanga City may 17 taon na ang nakakaraan. (Joy Cantos/Grace dela Cruz)