Ayon kay Vice Executive Judge Renato Dilag na siyang humahawak sa pagdinig, ibababa na nito ang arrest warrant ngayong araw para pormal na mailipat sa bansa ang kustodya nina L/Cpls. Daniel Smith, Dominic Duplantis, Chad Brian Carpentier at Keith Silkwood at maging sa driver ng van na si Timoteo Soriano Jr.
Sinabi ni Dilag na ang Philippine authorities ang siyang mangangasiwa sa pagsumite ng warrants laban sa mga akusado sa pamamagitan ng "proper channels".
Nakatakda rin dinggin ni Dilag ang isinampang mosyon ni Olongapo City Chief Prosecutor Prudencio Jalandoni para sa gagawing paglipat ng kustodiya ng bansa sa apat na akusado mula sa mga kamay ng US Embassy officials na kasalukuyang nakadetine sa Joint US Military Assistance Group (JUSMAG).
Sa pahayag ni Jalandoni sa kanyang ini-akyat na mosyon sa sala ni Dilag, dapat umanong isailalim sa Philippine custody ang nasabing mga akusado dahil sakop ng bansa ang nangyaring panghahalay sa biktima na naganap sa dating Subic Bay Naval Base ng Subic Bay Freeport Zone.
Upang matiyak naman na nasa kustodya pa rin ng US Embassy ang apat na sundalo ay binisita kahapon ni Foreign Affairs Undersecretary Zosimo Paredes ang embahada.
Ayon kay Paredes, nangangayayat at mapuputla ang mga akusado nang kanyang makita sa loob ng embahada kahapon.
Nananatiling "restricted" sa kanilang quarters ang apat at hindi binibigyan ng "working role" taliwas sa ulat na malaya silang nakakagala sa loob.
Ang apat ay tumutuloy sa isang palapag na gusali na may tatlong higaan, isang lamesa, isang kusina at isang sala. (Jeff Tombado/Ellen Fernando)