‘Sanitized baggage scheme’ sa NAIA pinatigil

Pansamantalang ipinahinto ni Manila International Airport Authority (MIAA) Al Cusi ang pagpapatupad ng bagong security procedure sa NAIA.

Sinabi ni Cusi ang "sanitized baggage scheme" na nagbabawal sa mga departing na pasahero na hawakan ang kanilang mga bagahe at carry-on bag kapag ito ay dumaan na sa x-ray machine ay nakatakdang ipatupad sana sa darating na Lunes, Enero 16.

Ayon kay Cusi, ang mga lehitimong porters lamang ang papayagang humawak sa mga bagahe hanggang mai-check-in ang mga ito sa airline counter.

Sinabi ni Cusi na bibigyan ng numbered tag ang mga pasahero para malaman nila ang kanilang mga bagahe kapag ito ay dinala na sa airline counter para i-check-in na bibitbitin ng mga porters sa paliparan.

Gayunman, sinabi ni Robert Uy, Head Executive Assistant ni MIAA General Manager Alfonso Cusi, nagpasya ang pamunuan ng MIAA na ipagpaliban muna ang pagpapatupad nito dahil marami pang aspeto ang dapat ayusin.

Hindi sinabi ni Uy kung anu-ano ang mga aspetong dapat na pagtuunan ng pansin ng MIAA at wala ring katiyakan kung kailan ipapatupad ang bagong sistema.

Natatakot kasi ang mga departing passengers sa panibagong security measure dahil sa pangambang mawala ang kanilang mga gamit nang hindi nila nalalaman.

Samantala, nangangalap ng karagdagang porters ang MIAA na sasanayin para tulungan ang mga departing passengers para sa ipapatupad na panibagong sistema. (Butch Quejada)

Show comments