Ayon kina Atty. Salvador Hizon at Atty. Luis Lokin, malisyoso ang nasabing akusasyon dahil wala umano silang tinangay na pera sa mga business partner na sina Congressman Rolex Suplico at Atty. Demaree Raval.
Sinabi nina Hizon at Lokin na lumagda si Suplico sa waiver at quitclaim noong 2000 samantalang lumagda naman si Raval sa acknowledgement letter na nagsasaad na natanggap na niya ang lahat ng kanyang share. Patunay lamang na wini-waive na ng dalawa ang anuman o lahat ng claims ng mga ito.
Paliwanag pa ni Hizon, hindi naman isinasaad sa batas ng Pilipinas na ang dating partner ay maaaring magharap ng criminal suit laban sa kanila.
Tinukoy niya ang Supreme Court (SC) doctrine ng US vs CLARIN kung saan civil suit lamang ang maaaring iharap sa partner nito at hindi maaari ang estafa case.
Ang reaksiyon nina Hizon at Lokin ay kasunod na rin ng report na inirekomenda na ng Department of Justice (DOJ) ang paghaharap ng kasong estafa laban sa mga nabanggit.
Binigyang-diin pa kay Hizon, dating CEO ng Eastern Telecom, ang nasabing kaso ay nauna nang nadismis o ibinasura ng DOJ at dalawang beses na rin ibinasura sa magkakahiwalay na resolusyon ng Pasig Prosecutors Office.
Bunsod nito, iginiit ni Hizon na bahagi lamang ito ng panghaharas at pangingikil ng mga taong nais manira sa kanila. "This is nothing but pure extortion and harassment", pahayag nito.
Nanawagan din si Hizon sa DOJ na huwag magpagamit sa mga paninirang ito.