Sa parangal na inihandog ng Manila Police District (MPD) kamakalawa ng gabi, inihayag ng kanyang tiyuhing si ret. Brig. Gen. James Barbers, dating hepe rin ng WPD, na isinilang ang kanyang pamangkin sa kapistahan ng Sto. Niño (Jan. 19) at pumanaw sa kapanganakan ni Hesu Kristo sa araw ng Pasko (Dec. 25). Ito umano ang nagpapatunay sa pagiging deboto ni ex-Sen. Barbers sa poong Sto. Niño sa buong panunungkulan nito.
Si Barbers din ang unang nagbihis sa isang rebulto ng Sto. Niño sa isang parada ng uniporme ng pulis upang ipakita sa publiko na si Hesus at mga pulis ay iisa ang layunin para protektahan ang taumbayan.
Sinabi naman ni Tempo editor Robert Roque, dating police reporter na hindi matatawaran ang sipag ni Barbers sa police operation na nagresulta sa pagkakalansag ng ilang sindikato ng holdaper ng bangko, pagkakadakip kay Col. Billy Bibit at pagkakapaslang sa hinihinalang smuggler at cocaine lord Don Pedro Oyson.
Sa kabila ng seryosong trabaho, naging "trademark" rin ni Barbers ang pagiging palabiro sa mga kasamahan at sa media na may kaarawan tulad ng pagreregalo ng malaking kahon na puno lang pala ng binilot na mga diyaryo.
Nang iburol sa Senado ang mga labi ni Barbers mula sa MPD, nagbigay naman ng huling paalam sina VP Noli de Castro, dating Sens. Vicente Sotto III, Heherson Alvarez, Sens. Alfredo Lim, Serge Osmeña, Aquilino Pimentel at Senate Pres. Franklin Drilon. (Danilo Garcia/RAndal)