Ayon kay Justice Sec. Raul Gonzalez, batay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), isang nagngangalang Col. Manuel Barcena ang umanoy suspek sa pagpaslang kay Gingoyon.
Ipinaliwanag ni Gonzales na posibleng "personal grudge" ang umanoy dahilan kung kayat pinatay ang nabanggit na hukom.
Aniya, lumalabas sa pagsisiyasat ng NBI na posible umanong may kaugnayan sa ilang ipinalalabas na desisyon ni Gingoyon ang pagkakapaslang sa kanya.
Sinabi pa ng Kalihim na maaari umanong ikinagalit ng suspek ang ginawang pagbasura ni Gingoyon sa isinampang kaso ni Barcena na may kaugnayan sa droga laban sa dalawang Chinese national. Bunga nitoy nagsampa ng kasong administratibo si Barcena laban kay Gingoyon.
Gayunman, patuloy pa ring nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga ahente ng NBI sa pagpatay sa naturang hukom nitong Disyembre 31 malapit sa kanyang tahanan sa Bacoor, Cavite habang papauwi matapos na mag-gym.
Samantala, hindi pabor ang Philippine Judges Association (PJA) sa panukalang armasan o bigyan ng service firearm ang mga hukom sa bansa kasunod ng nasabing pamamaslang kasabay naman ng pagsang-ayon ng Malacañang sa nasabing ideya.
Sinabi ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na epektibong hakbang ang pagbibigay ng armas sa mga hukom para mabigyang proteksyon ang mga ito sa pagganap ng tungkulin.
Giit naman ng PJA, taliwas ito sa kanilang paniniwala na kinakailangan na ilagay sa tamang proseso ang lahat at 'di sa kamay ang batas.
Ang nasabing panukala ay inihain dahil sa patuloy na pagpatay ng walang kalaban-laban sa mga hukom.
Kinondena naman ni Senate Majority Leader Francis Pangilinan ang pagpatay kay Gingoyon kasabay ng panawagan nito na imbestigahang mabuti ang kaso. (Grace Dela Cruz, Lilia Tolentino at may ulat ni Rudy Andal)