Ibinasura rin ng hukuman ang resolusyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na naunang tinanggihan ang reklamo na isinampa ni Erlinda I. Bildner pagkamatay ng kanyang ama, si Potenciano Ilusorio, ang orihinal na kliyente ni Lokin.
"Napatunayang nilabag ni Luis K. Lokin Jr. ang Rule 15.03 ng Kodigo ng Pananagutang Propesyonal at dahil dito ay isinususpinde siya ng tatlong buwan, kasabay ang babala na kapag naulit ang ganitong paglabag ay papatawan siya ng higit na mabigat na parusa," ayon sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Conchita Carpio Morales.
Ang 15-pahinang desisyon na may petsang Dis. 14, 2005 ay sinang-ayunan ng bagong hirang na si Chief Justice Artemio Panganiban, kasama sina Associate Justices Angelina Sandoval-Gutierrez, Renato C. Corona at Cancio C. Garcia.
Ayon sa court records, noong Hulyo 15, 1991 ay kinuha ng matandang Ilusorio si Lokin bilang kanyang abogado sa kaso sa Sandiganbayan kung saan inaangkin ng Pilipinas ang 99 porsiyento ng Philippine Overseas Telecommunications Corp. (POTC), kasama ang sosyo ni Ilusorio.
Habang dinidinig ang kaso ay pumasok sa isang compromise agreement si Ilusorio sa tulong ni Lokin.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan ay tatanggap ang pamahalaan ng 4,727 POTC shares o katumbas ng 35 porsyentong pag-aari sa kumpanya, samantalang 673 shares naman ang mapupunta kay Ilusorio.
Noong Agosto 17, 1998, inimbitahan ng grupo ni Manuel Nieto Jr. sa isang impormal na pagtitipon ang mga stockholders ng POTC ngunit dahil sa mapanlinlang na pagmamaniobra diumano ni Lokin ay bigla itong ginawang special stockholders meeting ng Philcomsat, kung saan nahalal ang grupo ni Nieto, kasama si Lokin, sa board at management ng kumpanya.
Ang Philcomsat ay 100 porsiyentong pag-aari ng POTC.
Nagsampa ng kaso sa Securities and Exchange Commission (SEC) si Ilusorio upang kuwestiyunin ang validity ng nasabing pagpupulong ngunit biglang humarap si Lokin bilang abogado ni Nieto, ang katunggali ni Ilusorio sa nasabing reklamo.
Ito ay tahasang paglabag sa sinumpaan ni Lokin bilang abogado, na hindi niya hahawakan ang magkalabang interes.