Sa House Bill 4948 na inihain ni Occidental Mindoro Rep. Amelita Villarosa, sinabi nito na panahon na upang palawakin ang mga grounds sa legal separation kung saan dapat ay mayroong limang "prima facie" na basehan ng psychological incapacity.
Layunin ng panukalang amyendahan ang Articles 36 at 55 ng Family Code of the Philippines.
Ipinaliwanag ni Villarosa na napapanahon ang pagpapalawak sa mga grounds o basehan ng legal separation ng mag-asawa kaysa sa isulong ang pagkakaroon ng diborsiyo sa Pilipinas na hindi aniya sagot sa lumalalang social problem ng bansa.
Hindi rin aniya sapat ang sinasabing "irreconcilable incompatibility" para basta na lang ipawalang-bisa ang isang kasal.
Taliwas sa diborsiyo o annulment, hindi maaaring mag-asawa ang isang lalaki o babae na idineklarang "legally separated" ng korte hanggat buhay ang kanilang asawa.
Kabilang sa mga grounds ng legal separation ang pagtatangka sa buhay ng petitioner o kamag-anak nito, hindi pagbibigay ng suporta sa petitioner at sa kanilang mga anak at patuloy na pagtanggi ng respondent na magkaroon ng trabaho.
Pero idinagdag ni Villarosa na ang mga nabanggit na basehan ng legal separation ay kailangan pa ring magkaroon ng "confirmatory diagnosis" ng isang eksperto sa larangan ng psychiatry and/or clinical psychology. (Malou Rongalerios)