Sa pinagsamang kalatas, inihayag nina House Deputy Speaker for Mindanao Gerry Salapuddin at Cebu City Rep. Antonio Cuenco na walang magaganap na pagbabago sa liderato ng pamahalaan sa susunod na taon, taliwas sa ipinahayag ni Sen. Rodolfo Biazon na mas marami pang gulo ang kakaharapin ng Pangulo.
Anila, ang malinaw sa ginawang pahayag ni Biazon ay patunay lamang na hindi titigil ang oposisyon sa kanilang kampanyang mapatalsik si Pangulong Arroyo.
Ayon pa kay Salapuddin, inaasahan na nila na gagamitin ng oposisyon ang lahat ng isyu, kabilang na ang paulit-ulit at halos walang katapusang "Hello Garci" tape para lamang siraan si Mrs. Arroyo at ang administrasyon.
Sinabi pa ng kinatawan mula sa lalawigan ng Basilan na tila hindi matanggap ng oposisyon ang katotohanan na matagal nang tapos ang halalan.
Hinikayat naman ni Cuenco si Pangulong Arroyo at ang mga kaalyado na huwag magpadala sa mga pag-iingay na gagawin ng oposisyon at ituon na lamang ang pansin sa pagbibigay ng serbisyo at programa para sa taumbayan.
Aniya, nakakalungkot na habang ang ibang bansa ay nagkakaisa sa kanilang layuning mapalakas pa ang kanilang ekonomiya, nananatiling nakatali sa pulitika ang ilang lider sa Pilipinas. (Malou Rongalerios)