Itoy kasunod ng ipinalabas na direktiba ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao sa mga District Commanders, Regional at Provincial Directors, gayundin sa mga hepe ng pulisya sa buong bansa na kumpiskahin ang lahat ng uri ng mga ipinagbabawal na paputok.
Nabatid pa na sa mga itinalagang "firecrackers zone" lamang maaaring magpaputok pero bawal ang malalakas na uri ng paputok upang hindi makapaminsala ng buhay at ari-arian ng mga tao.
Kasabay nito, binalaan din ni Lomibao ang kanyang mga tauhan laban sa "indiscriminate firing" o walang habas na pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa 2006 na papatawan ng kaukulang kaparusahan.
Kaugnay nito ay nakaalerto naman ang mga itinalagang checkpoints ng pulisya laban sa pagbibiyahe ng mga ipinagbabawal na malalakas na uri ng paputok na posibleng tangkaing ipuslit ng mga tiwaling negosyante.
Samantala, ipatutupad din ang pag-aresto at pagsasampa ng kasong kriminal laban sa sinumang indibidwal na lalabag sa probisyon ng RA 7183 o ang batas na nagbabawal sa pagmamanupaktura, pagbebenta at paggamit ng malalakas na uri ng paputok at pyrotechnic devices.
Nanawagan din si Lomibao sa mga kinauukulan na upang maiwasan ang perwisyo ay huwag gumamit ng malalakas na uri ng paputok tulad ng pla-pla, Judas belt, at iba pa.
Ayon pa sa PNP chief, maaari naman aniyang salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng simpleng selebrasyon tulad ng paggamit ng torotot, pagkalansing para na rin sa kaligtasan ng ating mga kababayan. (Joy Cantos)