Ex-Sen. Barbers patay na!

Malungkot ang naging pagdiriwang kahapon ng Kapaskuhan ng pamilya Barbers matapos pumanaw si dating Sen. Robert Barbers, 61, dahil sa cardiac arrest.

Dakong alas-10 kahapon ng umaga ng bawian ng buhay si Barbers sa Medical City, Pasig matapos isugod bandang alas-5 ng madaling-araw noong Disyembre 24 dahil nahirapang huminga.

Matatandaan na nagpaopera ng throat cancer noong taong 2002 si Barbers sa Standford University Hospital sa Amerika.

Si Barbers ang unang nag-propose ng Anti-Terror Bill. Naging bemedalled police officer ito ng Manila’s Finest hanggang sa kunin ni Sen. Alfredo Lim sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan hinuli niya ang drug lord na si Don Pepe Oyson.

Tumakbo itong congressman sa Surigao at ina-appoint ni dating Pangulong Ramos bilang DILG chief hanggang sa maging senador.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert "Ace" Barbers, ikalawa sa mga anak ng dating senador, na-shock ang kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng kanilang ama.

Inilarawan ng pamilya si Barbers na "dakila, huwaran, komedyante, relihiyoso at tapat sa paglilingkod sa bayan."

"We are saddened by his demise at the time when people are celebrating Christ’s birthday. We are shocked and in deep pain now," ani Rep. Barbers.

Ang mga labi ay dinala sa Arlington sa Araneta Ave., Quezon City at inaasahang ilalagak sa Sanctuario de San Antonio sa Forbes Park, Makati City sa loob ng ilang araw bago dalhin sa Surigao del Norte kung saan ito isinilang noong Enero 19, 1944.

Maliban kay Rep. Barbers, naulila ng dating senador ang asawang si Virginia Smith Barbers at mga anak na sina Surigao del Norte Gov. Robert Lyndon Barbers, Philippine Tourism Authority General Manager Robert Dean Barbers, Mary Grace at mga apo.

Show comments