Paskong ratratan!

Walang planong magdeklara ng ceasefire o tigil-putukan ang New People’s Army (NPA) sa Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay NPA spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal, hindi sila magdedeklara ng ceasefire dahil hindi anya nila mapapalagpas ang umano’y walang habas na pag-atake at pagpatay ng militar sa mga lider ng militanteng grupo.

Sinabi ni Ka Roger na sa loob ng nakalipas na 10 buwan ay umaabot sa 110 ang pinatay na mga militante habang nito lamang nakalipas na Disyembre 16 ay apat na aktibista ang napaslang.

Binatikos din ni Ka Roger ang gobyerno dahil umano sa kawalan ng interes na ipagpatuloy muli ang peace talks sa kanilang hanay.

Muli ring nagbanta si Ka Roger na ipagpapatuloy ng kanilang samahan ang kanilang pinalakas na opensiba laban sa tropa ng pamahalaan sa buong bahagi ng bansa.

Sinabi pa nito na hindi sila titigil sa paghahasik ng terorismo hanggang hindi naibabagsak sa puwesto si Pangulong Arroyo.

Bilang reaksiyon, sinabi naman ni AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Samuel Bagasin na nakahanda sila sa banta ng komunistang grupo.

Binigyang-diin pa ng opisyal na sakali mang katigan ni Pangulong Arroyo ang ceasefire sa Pasko at Bagong Taon ay mananatili ang kanilang tropa sa "defensive position" at pagpapatrulya sa mga lugar na balak paghasikan ng terorismo ng NPA upang bigyang proteksiyon ang taumbayan at maging ang kanilang mga ari-arian.

Una nang inirekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Malacañang na ipatupad ang ceasefire sa Pasko at Bagong Taon sa hanay ng NPA, subalit tinanggihan ng rebeldeng grupo. (Joy Cantos at Tony Sandoval)

Show comments