Wycoco yumao na

Yumao na kagabi si National Bureau of Investigation (NBI) director Reynaldo Wycoco matapos ang 18 araw na nasa comatose stage ito sa Manila Doctors Hospital. Ayon kay Dr. Dante Morales, medical director ng Manila Doctors Hospital, bandang alas-6:16 kagabi ng pumanaw ang NBI director kasunod ang mabilis na pagtibok ng puso at humantong sa cardiac arrest matapos mawalan ng oxygen ang utak nito dala ng inter-cerebral hemorrhage.

Sinabi ni Dr. Morales, bunsod na rin ng kumplikasyon kung kaya’t hindi na nila naisalba pa ang malubhang kondisyon ni Wycoco.

Isinugod si Wycoco, 59 anyos, noong Nobyembre 23 ng tanghali sa nasabing pagamutan matapos na mag-collapse ito at makaranas ng mild stroke habang nakikipagpulong sa NBI headquarters.

Sa pananatili nito sa Intensive Care Unit ng pagamutan ay hindi na ito nakausap at nagkaroon ng malay sa loob ng 18 araw hanggang sa bawian ito ng buhay kagabi. (Danilo Garcia at Ludy Bermudo)

Show comments