Si Jimenez, Mario Crespo sa tunay na buhay, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong alas-12 ng tanghali mula sa Detroit, Michigan lulan ng Northwest Airlines flight NW 071.
Siya ay inaasahang darating noong Sabado ng umaga subalit hindi natuloy bunga ng masamang lagay ng panahon dahilan upang magpalipas ito ng gabi sa Nagoya, Japan.
Sa kanyang arrival statement, pinasalamatan ni Jimenez ang kanyang mga taga-suporta at humingi siya ng kapatawaran sa mga taong nasaktan niya ang damdamin.
Subalit taliwas sa inaasahan ng mga pulitiko at supporters nito, sinabi ni Jimenez na magreretiro na siya sa magulong mundo ng pulitika na naging daan ng kanyang pagkakakulong sa Amerika.
Si Jimenez ay naipatapon sa US sa ilalim ng "extradition treaty" noong 2002 matapos mapatunayang nagkasala sa tax evasion at illegal campaign contribution sa kandidatura ni dating US president Bill Clinton.
Nang tanungin naman tungkol kay dating Justice sec. Hernando "Nani" Perez, sinabi ni Jimenez na ipagdarasal na lamang niya ito.
"Kung si Nani Perez ang inyong tatanu- ngin, ito lang ang sasabihin ko, kung nagdarasal siya para sa akin, ako nagdarasal din sa kanya sabay kaming nagdadasal. Alisin na natin ang galit at away. Magkaisa na lang tayo dahil pare-pareho tayong Pilipino," ani Jimenez.
Sinalubong ang dating kongresista ng kanyang mga kaibigang sina Surigao Rep. Prospero Pichay at Manila Rep. Joey Hizon kung saan inendorso nito ang kandidatura ni Hizon bilang bagong mayor ng Maynila at si Pichay bilang bagong senador.