Sa panayam kay LRTA Administrator Mel Robles, sinabi nito na batay sa kanilang historical data, tuwing buwan ng Disyembre ay tumataas ng halos 50 porsiyento ang bilang ng mga nagsu-suicide lalo na sa Line-1 ng LRT o yung biyaheng Monumento-Baclaran.
Dahil dito, nagpatupad ang pamunuan ng LRT ng speed precautions o babaan ang bilis ng takbo ng tren upang maalalayan ang andar kapag malapit na ito sa istasyon na kung saan kadalasang lumulundag ang mga nagtatangkang magpakamatay.
Ipinaliwanag nito na kapag papasok na ang tren sa bawat LRT station platforms ay tatakbo na lamang ito sa 15 kph upang agad na makapreno sakaling may magtangkang magpakamatay.
"Karaniwan kasing bumubuwelo pa ang mga tao na tatalon sa LRT kaya bago pa man siya makatalon ng tuluyan o kahit na nakatalon na siya ay magagawa pa rin na makapreno dahil mabagal ang takbo ng tren," pahayag ni Robles.
Base sa data ng LRT, karaniwang mga kalalakihan ang nagpapakamatay sa pamamagitan ng pagtalon at pagpapasagasa.
Bukod sa pagpapababa ng takbo ng tren ay pinahaba pa ng pamunuan ng LRT ng 30 minuto ang kanilang oras ng serbisyo upang mas lalong makapaglingkod sa publiko ngayong kapaskuhan.