Aussie national na nanloko ng 6 Pinoy kinasuhan

Ipinagharap ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Australian national sa Department of Justice (DoJ)-Manila Prosecutors Office dahil sa umano’y panloloko nito sa anim na Pinoy na nais mag-abroad.

Sa tatlong pahinang complaint na isinumite ng NBI sa piskalya, isinampa ang kasong large scale illegal recruitment laban kay Sandra Lynette Daniels at ang umano’y kasabwat nitong si Marivic Canaway.

Sa reklamo, nag-alok umano si Daniels at Canaway noong Dis. 9, 2005 ng trabaho sa mga biktimang sina Wilfredo Saballa, Erlindo Galagaran, Marionilo Autria, Fortunato Butihen Jr., Bernardino Tutor Jr., at Gerardo Diga bilang mga welder patungong Australia.

Ginawa pa umano ni Daniels ang pag-iinterview nito sa mga biktima sa YMC International Manpower Services na pagmamay-ari naman ni Canaway.

Subalit ng kanilang beripikahin sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay wala umanong job order ang nasabing kompanya at hindi otorisado na magpaalis at magpadala ng mga manggagawa sa Australia. Bunga nito’y agad na inaresto sina Daniels at Canaway noong Dis. 12, 2005 ng mga tauhan ng NBI sa pangunguna ni Atty. Alejandro Tenerife, habang isinasagawa ang interviews sa mga biktima. (Grace Amargo dela Cruz)

Show comments