Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr., maaaring tumakbo sa UN si Estrada matapos na tanggihan ng Sandiganbayan ang petisyon nito para makapagpiyansa o mapasailalim man lamang sa house arrest habang nililitis ang kanyang kaso.
Sinabi ni Pimentel na nakakaawa na ang kalagayan ni Estrada dahil mahigit apat na taon na itong nasa detensiyon samantalang wala pang linaw kung mareresolba na ng graft court ang kinakaharap nitong asunto.
"Under the United Nations Charter, any person or group of persons in any country who fell their human rights are being trampled upon or their right to due process are being denied them can bring the case to the UN," pahayag ng senador.
Inihalimbawa ni Pimentel ang ginawang pakikialam ng UN kay Nobel Laureate at Burmese opposition leader Aung San Suu Kyi na nananatiling nasa house arrest sa utos ng military junta ng Myanmar.
Noong Biyernes, sumugod sa tanggapan ng UN Population Fund Office sa Makati ang grupong Free and Restore Estrada for Democracy and Order Movement at ibinigay sa kinatawan na si Zahidul Huque ang isang sulat kay secretary-general Kofi Annan na humihiling na pakialaman na ang kasong kinasasangkutan ni Estrada. (Rudy Andal)