Fil-Chinese pinatatapon ng DOJ

Inatasan ng Department of Justice ang Bureau of Immigration na ipatapon palabas ng bansa ang isang Fil-Chinese dahil sa kawalan nito ng legal na dokumento bilang Pinoy.

Sa memorandum na ipinalabas ni Justice Secretary Raul Gonzales, inatasan nito ang BI na isailalim sa deportation proceedings si Ang Chiong.

Nadiskubre ng DOJ na walang legal na dokumento si Chiong na magpapatunay na isa siyang Pinoy sa kabila ng katwiran nitong nakakuha siya ng Philippine Citizenship sa Board of Special Inquiry noong December 5, 1961 subalit walang record namang nagpapatunay dito.

Siniguro naman ni BI Commissioner Alipio Fernandez na agad niyang ipapatupad ang kautusan ng DOJ para sa deportation ni Chiong at aalamin pa ng kanyang tanggapan ang iba pang paglabag sa immigration laws nito. (Grace dela Cruz)

Show comments