P5,000 Dagdag na bonus pamasko ni GMA

Makakatanggap ng P5,000 karagdagang bonus ang may P1.2 milyong mga empleyado ng gobyerno na ibibigay hanggang Disyembre 15.

Ito ang magandang balitang inihayag mismo ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa ginanap na pambansang kumbensyon ng Philippine Government Employees Association sa Palasyo ng Malacañang kahapon.

Sinabi ni Pangulong Arroyo na ang dagdag na bonus ay magmumula sa natipid na pondo ng lahat ng mga ahensiya na pag-aari ng gobyerno.

Samantalang ang hinihinging umento sa sahod ng mga kawani ng pamahalaan ay maipagkakaloob sa sandaling mapagtibay na ng Kongreso ang panukalang pambansang badyet. (Lilia Tolentino)

Show comments