Ayon kay Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, chair ng House committee on appropriations, 24 bata sa 100 estudyante na pumapasok sa Grade 1 ang tumitigil sa loob ng 3 taon o bago umabot ng Grade 4.
Ang problemang ito anya ang pangunahing hinahanapan ng solusyon ng pamahalaan kaya nagbubuo na ng budget scheme ang komite para gawing prayoridad ang unang tatlong level ng public elementary school.
Uunahin ang kakulangan sa guro, libro at classroom sa Grades 1-3. Kabilang dito ang pagbibigay ng malaking bahagi ng kukuning 9,200 bagong teachers, 36 milyong libro at 5,000 bagong classrooms ang mapupunta sa Grade 1-3 na kukunin mula sa P119 bilyong budget proposal para sa Department of Education.
Batay pa sa talaan, 58 lamang sa 100 elementary students ang nakakaabot ng high school at 48 ang nakakatapos ng secondary education. (Malou Rongalerios)