Sa 23-pahinang ulat ng Task Force, inirekomenda nito ang agarang pagsasampa ng kasong perjury sa mga opisyales ng Bureau of Immigration, Bureau of Customs, Bureau of Quarantine, Manila International Airport Authority at Air Transportation Office dahil sa pagkukutsabahan umano para makapuslit patungong Singapore si Garcillano.
Maaari umanong maparusahan ang mga opisyales ng naturang mga ahensiya ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Conduct and Ethical Standards.
Una nang inirekomenda ng Task Force ang pagsasampa ng kaso kay Capt. Arthur Santos, piloto ng Subic lear jet na siya umanong naghatid kay Garcillano sa Singapore.
Maaari rin umanong managot ang mga opisyales ng Subic International Air Charter Inc. dahil sa pagpapasakay kay Garcillano sa kabila ng kawalan ng sapat na travel documents.
Naging napakahigpit ng seguridad sa NAIA dahil na rin sa umanoy mga banta sa kanyang buhay. Kasama niyang dumating ang abogadong si Atty. Eddie Tamondong at ret. Gen. Bayani Fabic, Sgt.-at-Arms ng House of Representatives na sumundo sa dating komisyuner.
Sinalubong sila ni Gen. Edgardo Doromal, hepe ng Police Security and Protection Office (PSPO) at ilang pulis na nagsilbing mga security escort nito.
Tumagal lamang ng tatlong minuto ang inilagi ni Garcillano sa NAIA at kaagad na itong idiniretso patungong Camp Bagong Diwa kung saan siya mananatili.
Ito ang kauna-unahang pagharap ni Garcillano sa publiko makaraan magtago habang nasa kasagsagan ng "Hello Garci".
Haharap siya sa gagawing pagdinig ng Kamara sa Disyembre 7, pero hindi pupunta sa Senado sa kabila ng kahilingan ng mga senador dahil wala raw siyang natatanggap na imbitasyon mula dito.
Sinabi rin ni Atty. Tamondong na baka mapagod ang kanyang kliyente sa pagdalo sa imbestigasyon ng House sa Miyerkules at hindi na ito makapunta sa Senado sa Huwebes.