Assets ng 3 Abu leaders pinigil ng US

Ipinag-utos ng US Treasury Department na hindi puwedeng galawin ang anumang ari-arian ng tatlong lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may kaugnayan sa al Qaeda terrorist network dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa paghahasik ng terorismo sa bansa.

Ayon sa ulat, anumang ari-arian na nasa Estados Unidos nina Jainal Antel Sali Jr., Radulan Sahiron at Isnilon Totoni Hapilon ay pinipigil base na rin sa US Executive Order 13224. Maging ang sinumang US citizens ay hindi maaaring makipagnegosasyon sa tatlong nabanggit na lider.

Pormal nang isusumite ng US at Australia ang mga pangalan ng tatlong lider sa United Nations Committee para maitala sa listahan ng mga taong may kaugnayan kay Osama bin laden.

Naitala na rin ng Department of Defense’s US Pacific Command (US PACOM) ang pangalan nina Sali, Sahiron and Hapilon sa USPACOM Rewards Program Wanted List na may patong sa ulo na $200,000.

Ang nabanggit na grupo ay responsable sa 2004 bombing ng ferry sa Manila na ikinasawi ng 100-katao. (Mario Basco)

Show comments