Kahit tapos na ang SEAG, dayuhang atleta pwede pang mag-stay sa Pinas

Upang lalong mapalakas ang industriya ng turismo, binuksan ng Bureau of Immigration (BI) ang pinto nito para mapatagal ang pananatili ng mga dayuhang atleta na kasali sa idinaraos na 23rd Southeast Asian Games (SEAG) sa loob ng isang buwan.

Sinabi ni BI Commissioner Alipio Fernandez, maaaring makapanatili ang mga dayuhang atleta at iba pang kasama sa delegasyon ng mga bansa sa rehiyon kung nanaisin ng mga ito na mamasyal sa mga tourist spot matapos ang kumpetisyon.

Bukas na umano ang BI sa pagkuha ng mga dayuhan ng extension visa upang hindi magkaroon ng problema sa mga lokal na awtoridad.

Sinabi nito na maraming atleta na ngayon pa lamang nakatuntong ng Pilipinas ang nagnanais na manatili at puntahan ang ilang mga tourist spot na ipinagmamalaki ng bansa.

Ngunit nilinaw ni Fernandez na isang buwang extension lamang ang kanilang ibinibigay sa mga dayuhang atleta at makakasuhan na ng overstaying ang mga lalagpas pa dito.

Ikinatuwa naman ni Philippine Tourism Authority (PTA) General Manager Robert Dean Barbers ang pagbibigay ng extension ng BI sa mga dayuhang atleta kung saan tiyak umano na lalong tataas ang kita ng bansa buhat sa mga ito.

Naging maganda rin anya ang ipinatupad na sistema ng Philippine Sports Organizing Committee (PHILSOC) na ikalat sa iba’t ibang parte ng bansa ang mga events ng SEA Games at hindi isentro sa Metro Manila upang mapuntahan ang iba’t ibang mga tourist destination sa mga probinsiya. (Danilo Garcia)

Show comments