Ayon kay Yllana, ang unang bicycle lane na ginawa sa Quezon City, na ginastusan ng P50 milyon ay naging paradahan lamang ng mga sasakyan ng mga negosyante sa lugar at hindi rin magamit ng mga siklista.
Ang 3.5 kilometer bike route, na mula sa Katipunan Avenue hanggang Kamias-Edsa sa Q.C. ay proyekto ni Presidente Arroyo mula sa "Metro Padyakan", na ginagawa ng MMDA. Ang total na gagastusin dito ng gobyerno ay P362 milyon.
"Walang kuwentang proyekto ang bicycle lane dahil hindi maipatupad ng tama ng MMDA ito at ang masama pa ay ang rota ay di din madaanan ng mga siklista. Sayang lang", paliwanag ng bise alkalde.
Sinabi ni Yllana na ang mga naka-pintura na rota at one-way na daan para sa mga siklista ay sinasalungat din ng mga motorista at karamihan dito ay madidilim sa gabi.
Dahil sa kapabayaan at hindi wastong pag-implementa ng MMDA sa proyekto, maraming siklista ang mamamatay kung ipagpapatuloy pa nila ang ambisyosong proyekto sa buong Kamaynilaan sa isang taon, dagdag pa ni Yllana. (Lordeth Bonilla)