Bunga nito, matutuloy ang itinakdang unang pagdinig ng Olongapo Prosecutors Office sa Nob. 23, 2005 kaugnay sa reklamong panggagahasa ng isang 22-anyos na dalaga laban sa anim na sundalo.
Ipinaliwanag ni Olongapo City Prosecutor Prudencio Jalandoni na walang dahilan upang patagalin ang panahon sa paghahain ng mga akusado ng kanilang kontra salaysay. Mabibinbin anya ang pagsasagawa ng imbestigasyon kung pagbibigyan pa ang naturang kahilingan lalo pa at nabigyan naman ng sapat na panahon ang mga respondents para sagutin ang reklamo.
Inaasahan na haharap sa unang pagdinig ang biktima at walong testigo nito, subalit binigyang-diin ni Jalandoni na maaaring hindi na humarap sa preliminary investigation ang 6 sundalong Kano at isumite na lamang ng kanilang abgado ang mga counter affidavit.
Samantala, pabor ang Malacañang na repasuhin ang Visiting Forces Agreement (VFA) para higit na maliwanagan ang termino sa pangangalaga ng mga nagkasalang US servicemen.
Inihayag ito ni Executive Secretary Eduardo Ermita matapos magkaroon ng magkakaibang interpretasyon sa kasunduan kaugnay ng "rape case" na kinasasangkutan ng anim na US Marines.
Bunsod ito ng reklamo ni Atty. Katrina Legarda, abogada ng biktima, na pinabayaan ng Justice Department na makuha ang custody sa US Embassy ng anim na akusado gayong puwede namang hilingin ng pamahalaan na ipailalim ang mga ito sa custody ng mga awtoridad ng RP.
Bunga ng reklamo ni Legarda, nagharap ng kahilingan ang Department of Foreign Affairs na malipat sa mga lokal na awtoridad ang kustodya sa anim na Kano.
Ayon kay Ermita, ang DFA ay gumawa lang ng pormal na kahilingan base sa tadhanain ng VFA at puwede namang gawin ito kung hinihingi ng pagkakataon. (Grace Amargo Dela Cruz at Lilia Tolentino)