Kinilala ang nasugatang opisyal na pulis na si Sr. Insp. Rolito Nobleza, nakatalaga sa Pasig police, ito ay nagtamo ng putok sa ulo ng mapalo ng isa sa mga vendor habang karamihan sa mga nasugatan na nagtamo rin ng putok sa ulo sanhi ng pamamato at pagpalo ng dos por dos ay dinala sa Rizal Medical Center habang pito sa mga nanlabang vendors ang inaresto ng pulisya.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng umaga ng tangkaing gibain ng mga demolition team na dinala ng DHY Inc. dala ang umanoy demolition order upang paalisin ang mga vendor na nakatirik sa lupa na pag-aari ni Domingo Yap, ama ni dating Agriculture Sec. Arthur Yap.
Kasama ng mga demolition team ang may 40 pulis Pasig. Subalit lumaban ang mga vendors ng simulang gibain ng mga demoliton team ang mga puwesto kaya nagkaroon ng rambulan dahilan upang masugatan ang ilang katao kabilang si Sr. Insp. Nobleza.
Matapos ang may apat na oras na kaguluhan ay nakaaresto ang pulisya ng pito katao na pawang mga vendors na nahuli habang nambabato ng mga pulis.
Sa panayam naman sa ilang mga vendors, sinabi nilang walang demolition order na ipinakita ang mga tauhan ng DHY Inc. kaya sila pumalag at nanlaban dahil kabuhayan na ang nakataya dito.
"Hindi kami uupo at panonoorin lang ang ginagawa nilang paggiba sa mga puwesto namin, pangkabuhayan na ang ipinaglalaban naming ito", saad ng mga galit na vendors.
Sa panig naman ng DHY Inc., sinabi ni Atty. Mariel Cabrera na nanalo na sa korte ang pinag-aawayang lupa at may 50 vendor ang pinaupa nila dito subalit lumaki ito hanggang sa umabot na sa 250 vendors ang nagtitinda dito kaya kinailangang linisin uli ang lugar.
Sa kasalukuyan ay may 40 porsyento na ng mga puwesto ang nademolish sa may 10,000 metro kuadradong pinag-aawayang lupa.